pamunas (from kuwaderno 2, 2000)
Martes, December 12, alas diyes y media ng gabi. Hawak ang ilang piraso ng mamahaling stationery at sign pen na bigay pa ng aking tita na galing Singapore, sinimulan ko ang isang bagay na matagal ko nang balak gawin.
Dear Tintin,
“Ay shiyeet!!”, napabuntong-hininga ako habang nakatingin sa kisame ng aming boarding house. Isulat nga lang ang pangalan niya, kinikilig na ako. Paano ko naman kaya sisimulan ito? Sa totoo lang, ito ang unang beses na susulat ako ng isang liham ng pag-ibig sa buong buhay ko.
Truthfully, this is the first time that I have written a love letter in my whole life. (Wala kasing maisip na Ingles, eh) Kung nakalimutan mo na, ako pala si Julius Galut, tubong Candon, Ilocos Sur - the land of delicious calamays. Gaya mo ay BSIT rin ang course ko. My hobbies include eating…
Aaminin ko, may pagka-torpe ako. Ni minsan hindi pa ako nagkasyota, ni manligaw man lang; ngunit gaya ng ibang lalake, marami rin naman akong nagiging crush. Pero ibang babae si Tintin - natatangi siya sa lahat ng mga babae na nakita ng aking mga mata.
Hindi naman siya seksi gaya ng iba diyan, actually may kapayatan pa nga siya eh. Pero kapag nakikita ko ang kanyang mukha, para bang nasa loob ako ng simbahan. Nasa loob ng simbahan na tila binabasbasan ng pari. Tila ba sinasabi ng pari sa akin “Do you take this woman as your…wife.” Ganyan kalakas ang tama sa akin ng babaeng ito. Para bang nais kong pakasalan siya sa kahit saang simbahan, kung gugustuhin niya lang.
Unang beses pa lang kitang makita, nahulog na ng tuluyan ang puso ko sa iyo. Para kang isang bulaklak na umusbong…
Ang totoo, hindi pa ganoon kalakas ang tama ko sa kanya noong una ko siyang nakita. Final Exams noon, sa Perfecto. Aaminin ko nagandahan talaga ako sa kanya, pero hanggang doon lang iyon; nagandahan lang talaga ako. Pero nang makita ko uli siya, first day of classes ng second sem, iba na ang aking naramdaman. Habang paakyat sa Main Gate, nakita ko na naman siya kasama ang ilang kabarkada, pababa. Nang mga sandaling iyon, nagsimula ang lihim kong pagtatangi sa babaeng ito.
Minsan, kasama kong tumambay ang mga kabarkada ko (na sa “kasamaang palad” ay mga kagrupo ko rin sa project namin sa Systems Analysis and Design, aptly abbreviated as SAD) sa Main Gate. Patingin-tingin naman ako sa mga babae na dumadaan, nagbabakasakali.
Hindi naman ako nakalusot sa mala-asong pang-amoy ni Willy Dapoo, isa sa mga kagrupo ko.
“Uy, may iniispatang babae si Julius. Tinitigasan na!” pang-uuyam nila sa akin.
“Kala ko ba baddaf ka,” sumbat naman ni DonBrit Tamura, na bagaman mataba, longhair at mukhang tatay ay full-blooded na bading, pilitin niya mang itago ito. (Actually, hinihintay niya iyong kaklase naming si Peter na crush naman niya.)
Hindi naman ako binigo ng pagkakataon sapagkat sa mga sandaling iyon, nakita ko siyang dumaan kasama ang ilang kabarkada. Lalo pa siyang gumanda dahil sa suot niyang puting headband (”mabuti pa ang mga headband…”).
“Siya yun!”, malumanay kong sinabi sa aking mga kabarkada.
“Kung gusto mo, sundan natin at makipag-meet tayo,” hamon sa akin ni Dodins Fernandez, ang aming chief programmer. Medyo nag-alinlangan ako, pero sige na nga.
Sinundan namin sila from a distance of approximately 2 meters, pero sa ingay naman namin, alam ko na napansin din nilang sinusundan namin sila. Huminto sila sa ever famous na Marisan’s Tokneneng atbp., magmemeryenda. ”
Tara, makipagkilala tayo,” sabi sa akin ni Willy, sabay akbay sa balikat ko. “Alam mo pare, ang babae, flattered din sila pag may gustong makipagkilala sa kanila. Maniwala ka sa akin pare,” na para bang nanggagaling ang payong ito sa isang taong marami nang naging karelasyon. In fairness, guwapo naman daw siya, sabi ng nanay niya.
“Next time na lang pare, nahihiya pa ako. Magkikita pa naman kami, di ba?” Bagaman pareho kaming BSIT, hindi ko siya madalas makita dahil sa ibang building sila - sa Perfecto sila kadalasan, samantalang sa Silang naman kami. Ngunit malakas ang loob ko na magkikita pa kami.
At pag dumating ang panahong ‘yon, hindi ko papayagang matapos ang araw na hindi ko man lang makilala ang babaeng nagnakaw ng aking puso.
Naaalala mo pa ba noong una tayong nagkakilala? May kausap ka pa ngang babae…
November 8, 2000 - Isa sa mga “historical dates” na kung wala man sa mga history books ng mag-amang Zaide ay siguradong nakatatak na sa kalendaryo ng buhay ko, at hindi na mabubura pa. Papunta kami sa school noon para magpaconsult sa adviser namin sa SAD. Nakita ko siya sa Main Gate, kasama ang isang babae.
“Hanggang tingin ka lang naman eh,” sabi sa akin ni Dodins. Medyo naasar ako sa sinabi niya kaya hamon ko naman, “O sige, pagbalik natin dito at hindi pa sila umaalis, makikipagkilala na ako.”
Maawain naman ang Poong Maykapal, sapagkat wala nga ang aming adviser (Chalal), nandoon pa rin ang dalawang babe sa Main Gate (Head Chala!). Sa tulong na rin ng habuling si Willie, naganap na rin ang dapat maganap.
“Hi, ako si Galut, Julius Galut. Ikaw, sino ka?”
Tintin. Tintin Sampaga…”
Hindi ko na masyadong maalala ang mga detalye ng aming pinag-usapan, ang mahalaga, nakilala ko na rin si Tintin - ang babaeng ihahatid ko sa dambana. At siyempre, ang schedule niya. (Torpe nga ako pero hindi naman ako ganoon katanga, hindi naman) At ang pahayag niyang wala pa siyang syota ang lalo pang nagpaligaya sa akin.
…Hindi mo alam kung gaano kalakas ang dating mo sa akin. Mula nang makilala ka, marami na ang nagbago sa akin…
Hindi naman lingid sa mga taong nasa paligid ko ang mga pagbabagong ito. Madalas akong nasa isang tabi lang, daydreaming. Kung noon eh puro Smashing Pumpkins ang pinakikinggan ko, natutunan ka na ring makinig sa mga lab songs. (My favorites? Dreaming of You ni Selena at When I see You Smile ng Bad English) Kung noon eh kahilig kong makipagdiskusyon sa aming mga instructors, natutunan ko na ring tumahimik na lang at minsan ay bolahin na lang sila. (Sample: “Mahusay ang paliwanag nyo, Sir!”) Dalawang beses na rin ako kung maligo sa isang araw. Kabibili ko lang ng CK Be noong nakaraang linggo.
“Pero kung hanggang dyan ka lang, wala kang mararating pare. Kilala mo nga, di mo naman nililigawan,” sermon sa akin ni Dodins minsang ginagawa namin and aming project sa SAD sa bahay nina DonBrit. Na siya namang katotohanan -magmula nang makilala ko siya eh wala na akong nagawang follow-up. Ewan ko ba, pagdating sa pag-ibig eh failing ang grades ko. Hindi naman kasi ako guwapo, pero hindi ko rin naman matatanggap na ako ay pangit.
“Dyahe kasi, pare, wala bagang experience,” sagot ko naman sa kanila.
“Ba’t di mo sulatan?” sabi ni Wily. Natahimikan ng mahigit sa isang minuto, pinag-isipan. Bakit hindi?
Kaya naman ginawa ko ang liham na ito, upang maipahiwatig sa iyo ang hindi kayang gawin ng aking mga bibig. Hindi ka ba naaasar sa ating mga instructors kung nagbibigay sila ng mga essay type na questions during quizzes and exams? At least, nagagamit ko na ngayon ang mga skills dito.
Alam mo, naaalala kita pag umuulan, lalo na pag maginaw. Naaalala kita pag kakain na. Naaalala kita kung… ”
Julius, pwede bang pakihinaan mo ang radyo? Mahiya ka naman sa mga ka-boardmates mo.” Tumambad sa harapan ko ang landlady namin, nakangiting-aso.
“Hihinaan ko na ho.” Gaya ng ibang “artists” diyan, kailangan ko ng music na magseset ng mood at magpapalabas ng creative juices. Sa pagkakataong ito, ang Circus album ng Eraserheads.
“Salamat!” sabi ng landlady ko na may kaplastikan. Medyo inaantok na rin ako.
…So hanggang dito na lang Tintin. Sa uulitin! Ang nagsusumamo, Julius “Jaq the Pretty Boy” M. Galut
Sa wakas, natapos na rin ang aking obra maestra - ang obra maestrang magbibigay kay Mr. Galut ng kanyang first girlfriend sa buong buhay niya. Patutunayan din ng liham na ito na ang sining ng pagsusulat ng love letter ay hindi pa patay; kailangan lang ay ang mga “artists” na gaya ko upang linangin ang sining na ito.
Maingat kong tinupi ang liham sa aking biniling sobre. Mahigit kumulang isang daang piso rin ang nagugol ko para sa sobreng ito. Medyo magaspang ang sobreng ito, ngunit makulay. Binalak ko ring lagyan ng CK Be, pero bukas na nga lang.
Alas otso na nang ako ay magising kinaumagahan. “Shiyeet, ang liham!” nasabi ko nang makita kong wala sa aking drawer. Naalala kong inipit ko pala ang sobre sa libro ng ka-boardmate kong si Mike. May klase si Mike, dala pati libro at 10:30 pa babalik. No choice, hinintay ko na lang siya. Dalawang subjects din naman ang mamimis ko ngayon. Ayos lang, lahat naman ng ito ay para kay Tintin, my dearest Tintin.
“Mike, pahiram nga ng libro mong ‘yan.” Nandoon pa rin naman ang magaspang ngunit makulay na sobre. Wala naman akong nakitang bakas na ito ay nabuksan. Ang pirma naman sa sobre eh pareho sa pirma ko sa aking ID (my apologies to Jose Velarde). Buti naman at hindi napansin ni Mike ang liham, o sadyang hindi niya lang binuklat ang kanyang libro. Props baga. Bago umalis, siyempre nilagyan ko muna ng essence ng CK Be ang sobre.
Kung hindi ako niloloko ni Tintin, dapat ay may klase siya ng 11:30. Habang naglalakad patungong school, iniisip ko kung paano ko ibibigay ang liham. Ibigay ko kaya ito sa harapan niya mismo? Ipabigay kaya sa mga classmates niya? Bahala na.
Nang mula sa likuran ko, isang bumubulusok na taxi ang bumangga sa akin.
Mabuti na lang at hindi ulo ko ang unang tumama sa lupa, ewan ko na lang kapag ganun ang nangyari. Ngunit mas matatanggap ko pa ito, huwag lang masira ang liham. Awa ng Diyos, hindi naman naano ang sobreng magaspang ngunit makulay.
Naawa naman sa akin ang taxi driver at hinatid ako sa ospital. Kahit kapitbahay na nga namin ang pagamutan, kailangan pang ikutin ng taxi ang session road, tapos dumaan pa sa U.B., para lang makarating dito.
“O heto ang dalawang daan. Sorry talaga ha, boy!” sabi ng taxi driver. Hihirit pa sana ako na gawin niya ng limang daan, tutal nasaktan din naman ako sa pagkakabundol.
“Wala ho iyon. Salamat na rin ho,” bagkus ang aking naisagot.
“Minor abrasions.” Iyan lamang ang nakasulat sa medical certificate matapos akong ma-examine ng doktor. “Bili ka na lang ng pain killer at antibiotic para hindi maimpeksyon ang mga sugat mo,” payo pa sa akin ng doktor. Nanghinayang naman ako sa dalawang daan. Kaya tiniis ko na lang ang sakit ng katawan ko at nagpakabusog sa Don Henrico’s.
Ang tanging napasukan kong subject sa araw na ‘yon ay ang literature class ko ng ala-una, under Mrs. L. Akitiw. Hindi naman sa mahina ang boses niya o di kaya’y bobo siya, naaasar lang ako sa style ng kanyang pananalita - para kasi akong nakikinig sa drama sa radyo. Kaya binuo ko na lang ang oras na nakatingin sa magaspang ngunit makulay na sobre, inisip kung ano ang magiging reaksyon ni Tintin kapag nabasa niya ang iiham na nasa loob nito. Sasagutin kaya niya ako? Magpapakipot kaya siya? Ah basta.
May 15 minutes pa ng nadismiss kami ni Ma’am Akitiw. Tiningnan ko ang schedule ni Tintin, me klase pala siya ng alas-dos sa P-605. Hawak ang aking Liham, tinahak ko ang mahirap (at medyo matarik) na landas patungong Perfecto.
Hindi pa nagsisimula ang klase nang makarating ako doon. Sinulyapan ang bawat nilalang na nasa kuwartong yaon, wala ni anino niya. Dumating na’t lahat ang instructor nila, wala pa rin. 15 minutes pa, nasabi ko sa sarili ko.
2:25 na nang umalis ako ng Perfecto patungong Main Gate, bigo sa aking mithiin. Mabagal ang aking paglalakad, nagmumuni sa mga kamalasang aking natamo para lang maibigay ang liham na ito. Absent ako sa dalawa kong subjects. Na-sidesweep pa ako ng taxi. Sakit tuloy ng katawan ko.
“Tapos, aabsent lang pala!” nasabi ko nang may kalakasan, walang paki sa mga taong nasa paligid ko.
Nang biglang lumiwanag ang paligid. Si Tintin!
Nakita ko siya sa harapan ng Main Gate, may kasama. A, kaibigan. Lalaki. Ako man me kaibigan ding babae, ayos lang ‘yon. Masinsinan ang pag-uusap. Baka kapatid. Normal lang ‘yon. Huminga ako ng malalim, sabay tinanggal ang lahat ng pagkatakot at inhibisyon ko sa katawan. Kailangan ko nang maibigay ang “precious gift” ko (na nakalagay sa magaspang ngunit makulay na sobre) kay Tintin. It’s now or never. Akmang lalapitan ko na siya nang ako ay matigilan.
“Mapalad tayo at binigyan tayo ng Diyos ng isa sa mga pinakamakapangyarihang mata sa Animal Kingdom. Kaakibat nito ay ang kakayahan nating bigyan ng interpretasyon ang anumang ating nakikita. You should be thankful at hindi kayo pinanganak na bulag. You will surely miss a lot of beautiful things in this world.” ani Mrs. Akitiw, from one of our sessions na medyo nakinig naman ako sa kanya.
Sa mga sandaling iyon, ewan ko ba kung dapat ko bang pasalamatan ang Diyos dahil binigyan niya ako ng sense of sight. Mas gugustuhin ko na lang yatang pinanganak akong bulag.
Dalawang kamay. Magkahawak. Mahigpit. Kaninong kamay? Sakto!
Mas gugustuhin ko na lang sanang natuluyan na akong nabundol ng taxi.
“Itigil mo na nga ‘yang kadramahan mo. Para kang hindi lalake n’yan eh,” sabi sa akin ni DonBrit na para bagang ginising ako mula sa isang bangungot. “Matulog ka na lang dito at mag-shot na lang tayo,” dagdag pa niya. Hindi ko man lang namalayan na napaluha ako. Kinapkap ko ang mga bulsa ko pero wala akong mahanap.
“Pare, babae lang yan. Di mo ko gayahin - ang darning lumalapit sa akin pero di ko sila pinapansin,” pagmamayabang ng idol kong si Willy. Tawanan ang lahat.
Oo nga naman. Napakarami pang babae sa mundo. Hindi lang milyon, kundi bilyon ang babae sa mundo. At nakatitiyak ako na di ako mauubusan. Ayon nga sa mga favorite mottos ko: Try and try until you succeed. It is not how many times you fell down, but how many times you bounced back. Failures are the stepping stones to success. Life’s a bitch and then you die. Yeah right!
Ngumiti ako kay Willy. Tama ka d’yan, pre. Idol na idol nga kita eh. Kaya bukas ng gabi, pwede bang samahan ninyo akong manligaw?”
“Kanino?” sabay-sabay nilang tinanong.
“Kay Emma Lim. Baka unahan pa ako ni Chavit eh.”
Halakhakan ang lahat, habang idinadampi ko sa aking mamasa-masang pisngi ang magaspang, ngunit makulay, na pamunas
---------------------------------------------


1 Comments:
nais kitang bigyan ng isang apir...napabilig ako sa gnawa mo..like!!!
Post a Comment
<< Home