ang palahaw ng pipi(from kuwaderno vol.3 issue 1,slu)
Ang Palahaw ng Pipi
Paisa-isa ang hakbang ni Donal patungong Magsaysay. Kahit na unti-unting lumalakas ang patak ng ulan, hindi niya alintana ito. Hindi naman ito kalayuan sa maliit na dampang tinitirhan niya sa may Slaughter House, mabagal niyang tinahak ang kalye. Kailangan niyang itago ang namumugtong mata; kawawa na naman siya sa usisa kapag nakita iton ng best friend niyang si Ben. Hindi rin siya kikita ng malaki ngayong gabi kung nakasimangot siya. Kailangan pa mandin niya ang pera para sa kaarawan ng kapatid niya bukas.
Tanghaling tapat nang dumating si Andoy na lasing na naman. Sa hapag-kainan agad ito tumungo at naghanap ng pagkain.
"Hoy, Unal, nahan na ang magaling mong inah?! Abah, tanghali na ha! Baket walah pang nakahandang pagkain?!," sabay tapon ng plastik na platong nakahilata sa mesa.
"Kinuha lang po kay Mrs. Santos yung kinita niya sa paglalaba. Dadaan na lang daw po siya sa karinderya ng pananghalian," takot na sagot ng anak.
"Eh ang mga kapatid mo? Nahan na ba'ng kinita nila at di na lang sila ang bumili ng ulam?!," tanong uli niya.
"Nasa may kanto pa po sila." Pumasok na si Donal sa kuwarto nang makitang dumating ang ina. Ayaw na niyang masaksihan ang susunod na mangyayari.
"Bilishan mong maghanda at may lakad pa akoh! Magkano ang binayad sayo ng mayamang iyon?, " habang kinakapkapan ang bulsa ng bestida ng asawa.
"Ang kapal din ng mukha mong kunin ang pinaghirapan ko! Eh kung magtrabaho ka rin kaya at nang may maipan-inom ka?! Hindi yang nagpapalaki ng tiyan an ginagawa mo!"
"Anong sabi mo, ikaw na kupal ka?!" Isang malakas na mag-asawang sampal ang unang salubong kay Rina. "Nagiging maramot ka na ngayon ha?! Ang p-inang ito, sumasama-sama ka sa akin noon at ngayon nagrereklamo ka?! Ha?!" Tadyak ang sumunod.
"Wala kang kwenta! Hayop ka! Ginawa mo na nga akong palahian, ako pa'ng nagpapalamon sa'yo!"
"Ikaw ang walang kwenta! Kung marunong kang mag-alaga ng asawa, hindi ka magkakaproblema sa akin! Makaalis na nga't baka masuntok pa kita, pweh!" Umalis si Andoy tangan ang pera.
Habang humahagulgol ang ina sa labas ay tahimik ding umiiyak si Donal sa kwarto. Hindi na bago sa kanya ang bangayan ng mga magulang sa labinlimang taon niyang nakasama sila. Ang hindi lang niya masikmura ay ang pagbuhatan ng kamay ang kanyang inay na madalas nang gawin ni Adnoy nitong mga nakaraang mga araw. Mabuti na lang at nasa labas ang lima niyang mga nakababatang kapatid. Kung hindi ay nasipa rin siguro sila gaya kahapon. Gusto niyang labanan ang ama pero natatakot siya. Bukod sa malaki ito ay baka lalong saktan ang inay niya.
Isang mahinang katok ang narinig niya.
"Anak, halika na. Tawagin mo na ang mga ading mo sa kanto at kakain na tayo." Pinupunasan na nito ang mukha ng punit niyang damit.
"Opo, Inay."
"Yehey, ang paborito kong ulam... monggo at galunggong!" masayang sambit ng bunsong si Nerissa pagkarating nila.
"Inay, umiyak ka na naman ba? Sinaktan ka ba uli ni Itay?" Si Beka. Natigilan ang lahat at napatingin sa ina.
"Naku, mga anak ko talaga! Para naman kayong hindi nasanay sa ng Itay niyo,' pabiro niyang sagot, ' hayaan niyo na lang siya, magbabago rin iyon."
"Bakit po iyong tatay ni Eddie hindi lasenggero? Bakit po si Itay ganun?" Si Jobet naman.
"Huwag kayong masyadong matanong. Kumain na lang kayo at hayaan niyo na si Inay," sabi ni Donal. Nginitian nito ng ina sa pagligtas sa kanya.
Hanggang doon na lang ang kayang pagligtas ni Donal kay Rina. Gusto man niyang yakapin ang ina para kahit papano'y maibsan ang sakit ng loob na dala nito, nahihiya siya. Inisip niya, kung babae lang siya, mag-iiyakan siguro sila. Pero hindi. Kailangan niyang magpakalalaki at itago ang bigat ng dibdib. Hindi niya pwedeng ipakita ito sa ina, lalo na sa mga kapatid, dahil lalo silang panghihinaan ng loob.
Matapos kumain ay saglit na nagpahinga ang mag-iina at bumalik na ang mga bata sa kanto para maglako ng yosi at kendi. Si Rina naman ay maglalaba uli sa kabilang bahay. Si Donal ang taong bahay tuwing hapon.
"Mag-ingat ka mamayang gabi, Unal, ha? Huwag mong bebentahan ng balot ang mga lasing dahil baka hindi magbayad ang mga yun at kung ano pang gawin sa'yo. Yung asin binalot ko na, nasa mesa."
"Opo, Inay. Salamat po."
Mag-aalas siyete na nang nakaalis siya sa bahay. Baka nandon na si Ben sa tagpuan nila. Hindi siya makapaghintay na ikuwento sa kaibigan ang nangyari sa buong maghapon niya.
Kinse rin si Ben. Mag-iisang buwan pa lang silang magkakilala. Kahit na wala pa siyang gaanong alam tungkol sa kanya, palibhasa siya lang ang kaibigan niya, tinuring na niya itong best friend. Siya ang nagpasok sa kanya sa trabaho. Noong una ay ayaw ni Donal, pero nakikita niya kung gaano naghihirap ang kanyang inay at mga kapatid kaya sinubukan niya ito hanggang sa nasanay na rin siya.
"O, ba't ang tagal mo?," tanong ni Ben na may pagkayamot.
"Nag-away na naman kasi sila sa bahay, 'tol. Pasensiya ka na."
"Ganun ba? Gusto mong umupo muna at pag-usapan natin? Tara sa bar diyan sa tabi. Kahit tig-isang Red Horse lang, sagot ko."
"Sigurado ka? O, sige. salamat ha? Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung wala kang nakikinig sa mga problema ko."
"Ikaw naman. Halika na at nang hindi tayo gabihin. Maraming customer ngayon."
Nauwi sa tigatlong bote ang nainom nila. Nang makitang mag-aalas nuwebe na ay lumabas na sila.
"Ano, maghihiwalay na naman tayo. Dito na lang ako maghihintay ng dadaan. Mag-ingat ka sa mga parak. Balita ko umaaligid na sila ngayon sa Burnham, nanghuhuli na."
"Ikaw rin. Salamat uli. 'Kita na lang tayo bukas."
Nakailang metro siya ng lakad nang maalala niyang nakalimutan niyang imbitahin si Ben sa birthday ng pangalawa nilang si Menay bukas. Balak pa mandin niyang magluto ng pansit mula sa kikitain niya ngayong gabi. Bumalik siya sa tapat ng bar kung saan sila naghiwalay.
Nandun pa si Ben, mukhang may customer na kausap. Tatawagin na sana niya ito pero natigilan siya. Hindi siya makapaniwala sa nakita niya, o guni-guni lang niya yun. pero hindi! Hindi siya maaring magkamali, ang itay niya ang kasama ni Ben! Nakita niyang inakbayan si Ben at sumakay na sila ng taxi.
Hindi na napansin ni Donal kung ilang minuto siyang nakatulala sa kalyeng yun. Halu-halong emosyon ang naramdaman niya na pinangunahan ng pagkamuhi sa ama. Hindi na rin niya namalayan na sumama na pala siya sa isang nakakotseng bakla sa isang mumurahing motel. Medyo bumalik na lang siya sa pag-iisip nang umuwi siya ng alas dos ng madaling-araw hawak ang tatlong daang kinita niya. Pinilit na lang niyang iwaksi muna ang nakita para sa brithday ni Menay.
Dahan-dahan siyang pumasok sa bahay at umupo sandali para palamigin ang loob. Pinipigilan niyang ilabas ang nararamdaman na naipon na sa lalamunan niya. Matapos ang ang isang malalim na buntong-hininga, tumayo na siya't pumasok sa kuwarto kung saan mahimbing ng natutulog ang mga kapatid. Naalala ang ina, lumabas uli ito at sinilip ang kuwarto. Ipapaalala niya sana ang selebrasyon nila kinabukasan dahil baka makalimutan na naman niya ito gaya nung nakaraang taon.
Laking gulat ni Donal sa nakita. Nakabulagta sa kama si Rina, nakamulat ang mga mata at laslas ang pulso. Sa isang kamay nito ay ang larawan nilang magkakapatid na puno ng bahid ng dugo, sa kabila ay isang maikling sulat: Patawarin niyo ako, mga anak ko. Mahal ko kayong lahat.
Hindi na niya napigilan ang luhang dumaloy. Napaupo na lang siya sa kama, hinagkan ang ina at humagulgol na parang bata, mas malakas pa sa iyak ng inay niya kaninang umaga. Wala siyang pakialam kung magising ang mga kapitbahay o ang mga kapatid niya. Yakap ang pinakamamahal na inay niya, nilabas ni Donal ang lahat-lahat ng itinago niyang poot at hinagpis.
---------------------------------------------



0 Comments:
Post a Comment
<< Home